photo credit:PNP-AMULUNG

TUGUEGARAO CITY-Mayroon na umanong sinusundang person of interest ang kapulisan sa pagpatay sa isang lalaki na natagpuang naagnas at nakasilid sa sako na may sugat sa katawan at ulo sa bayan ng Amulung, Cagayan.

Ayon kay Police Major Osmundo Mamanao, hepe ng PNP-Amulung, may nakaalitan umano ang biktima na si Wilfredo Blance, 56-anyos, residente ng zone 5 Barangay Sta Barbara, Iguig sa kanilang barangay dahil sa lupang sinasaka bago ito nawala.

Aniya,nakapag- blotter pa ang biktima at gumawa rin ng testimonya sa barangay na kung may mangyaring masama sa kanya ay ang mga hindi na nabanggit na indibidwal ang salarin.

Nakatakda rin sanang mag-usap sa barangay ang biktima kasama ang mga nakaalitan ngunit biglang nawala si Blance hanggang sa matagpuan itong patay na.

Dahil dito, sinabi ni Mamanao na ito ang kanilang sinusundang motibo para sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Handa naman ang pamilya ng biktima na makipagtulungan sa pulisya para mabigyang ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang kaanak.

Matatandaan, natagpuan ang bangkay ng biktima sa sapa sa Barangay Marobbob,Amulung na nakalagay sa sako at may limang sugat sa katawan at isa sa ulo.