
Patuloy na minomonitor ng Philippine National Police (PNP) ang mga posibleng lokasyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na pinaniniwalaang nasa Pilipinas pa rin.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., isinasailalim sa beripikasyon at pagsusuri ng mga awtoridad ang mga impormasyong nakukuha nila hinggil sa posibleng kinaroroonan ng senador.
Kabilang sa tinitingnan ng PNP ang mga lugar na may kaugnayan sa mga kaibigan, kamag-anak, at mga taong madalas makasama ni Dela Rosa.
Samantala, sinabi ng PNP na patuloy silang tumatanggap ng mga impormasyon na dumadaan muna sa proseso ng intelligence validation bago gamitin bilang basehan ng operasyon.
Iniuugnay si Dela Rosa sa kasong crimes against humanity na isinampa ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga alegasyon sa mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. May inilabas nang warrant of arrest ang ICC laban sa senador.










