Iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagpapalakas ng presensya ng mga pulis at paghahanda ng mga tauhan at kagamitan para sa pagtugon sa epekto ng Bagyong Inday sa ilang bahagi ng bansa.

Bagama’t hindi direktang tumama sa kalupaan, nagdulot ang bagyo ng pagguho ng lupa at pagbaha sa ilang lugar, partikular sa Visayas at Mindanao, na ikinasawi ng 18 katao habang 14 pa ang nawawala.

Sinabi ni Nartatez na nananatiling aktibo ang PNP sa search and rescue operations, clearing operations, pamamahagi ng ayuda, at iba pang hakbang para sa mga apektado ng kalamidad.

Nauna nang inilagay sa heightened alert status ang mga police unit sa buong bansa upang agad na makaresponde sa pangangailangan.