Nagbabala ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) laban sa mga online job offers na nangangako ng mataas na kita sa madaling paraan, araw-araw na payout, simpleng gawain, at mga bonus o vacation leave packages, dahil kadalasan ay scam lamang ang mga ito.

Ayon kay Lt. Wallen Mae Arancillo, tagapagsalita ng PNP-ACG, isa sa mga senyales ng scam ang paghingi ng reservation fees sa proseso ng aplikasyon.

Payo niya rin na basahin nang mabuti ang mga online reviews, dahil kadalasan ay gawa rin ito ng mismong scammer.

Batay sa datos ng PNP-ACG, may 385 na kaso ng online employment scams na naitala noong 2025.

Mula Enero 1 hanggang Pebrero 26 ngayong taon, may 13 na insidente na naireport. Patuloy na kumakalat ang mga pekeng alok sa trabaho, kabilang ang mga posisyon bilang virtual assistants, parehong in-person at work-from-home setups, lokal at sa ibang bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng PNP na mahalaga ang maagap na reporting ng mga biktima dahil maaaring i-deactivate ng scammer ang kanilang account, na magpapahirap sa imbestigasyon at magreresulta sa pangangailangan ng cyber warrant mula sa korte para ma-trace ang social media platform na ginamit.

Ang mga indibidwal na nagpapanggap na employer at napatunayang scammer ay puwedeng kasuhan sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code kaugnay ng Section 6 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ayon sa PNP, mayroon na rin silang Memorandum of Understanding sa mga social media at messaging platforms upang mas mapabilis ang imbestigasyon sa mga online employment scams at iba pang online fraud.