Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga raliyista na huwag tangkaing lumapit sa Philippine International Convention Center (PICC), kung saan ginaganap ang 49th ASEAN Summit, kasabay ng pagdating ni US President Donald Trump sa bansa.

Ayon kay PNP Public Information Office chief PBGen. Allen Rae Co, nagtalaga na ng mga pulis at nagpatupad ng mahigpit na seguridad sa mga venue ng summit at sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad ng mga dayuhang delegado.

Binigyang-diin ni Co na dapat manatili ang mga raliyista sa mga itinalagang freedom park at maaaring maaresto ang sinumang lalabag sa mga umiiral na batas at seguridad.

Nilinaw naman ng opisyal na kinikilala ng PNP ang karapatan ng publiko na magpahayag ng saloobin, ngunit hindi aniya dapat ilagay sa panganib ang seguridad ng mga bisita at iba pang mamamayan.

Batay sa pinakahuling monitoring ng PNP, nasa 225 raliyista ang naaresto sa Maynila at Muntinlupa mula Nobyembre 15 hanggang 16 dahil sa umano’y iba’t ibang paglabag.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Co na naisailalim na sa inquest proceedings ang mga naaresto at naipasa na sa tanggapan ng prosecutor ang kanilang mga kaso.

Sa kabila ng ilang tensiyon sa pagitan ng pulisya at mga raliyista, inilarawan ng PNP na pangkalahatang mapayapa ang unang dalawang araw ng ASEAN Summit.