Nagsimula na ng kanilang mga paghahanda para sa seguridad sa mga selebrasyon ng Bagong Taon ang Philippine National Police (PNP).

Inutusan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang mga pulis sa buong bansa na magtuon hindi lamang sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa mga kasiyahan, kundi pati na rin sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko.

Binigyang-diin ni Marbil ang pangangailangan ng mga pulis na maging mapagmatyag at maagap, partikular na sa mga posibleng panganib na kaugnay ng mga pagdiriwang ng Bagong Taon tulad ng paputok, sunog, at mga aksidente.

Bagamat ang Bagong Taon ay isang panahon ng kasiyahan, sinabi ni Marbil na mahalaga ring maging alerto ang mga pulis sa mga potensyal na panganib na maaaring mangyari sa gitna ng kasayahan.

Pinaalalahanan niya ang mga pulis na maging handa rin sa pagtulong sa mga insidente ng sunog, aksidente, at iba pang mga pang-emergency na kaso, kabilang ang pagbibigay ng unang lunas, bukod pa sa kanilang mga tungkulin sa seguridad.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga police mobile units ay kailangang may kasamang mga kagamitan sa kaligtasan laban sa sunog at mga first aid kit upang agad na makapagbigay ng tulong sa mga pangangailangan.

Bukod dito ay nag-deploy na rin ang PNP ng hindi bababa sa 37,000 na mga pulis sa buong bansa bilang bahagi ng mga hakbang sa seguridad para sa kapaskuhan.

Hinimok ni Marbil ang publiko na maging mapagmatyag at i-report ang mga kahina-hinalang aktibidad sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.

Samantala, nakapagtala na ang PNP ng apat na insidente ng ligaw na bala ngayong panahon ng kapaskuhan.

Ayon kay PNP Public Information Officer Brig. Gen. Jean Fajardo, tatlo sa mga insidente ay nangyari sa Metro Manila, ngunit wala namang naitalang sugat o kaswalti. Ang ikaapat na insidente naman ay nangyari sa Zamboanga Peninsula, kung saan isang biktima ang nasaktan matapos tamaan ng bala.