
Nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) para sa posibleng mga protesta sa unang taon ng detention ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa March 11.
Sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na mahigpit ang kanilang ginagawang monitoring sa developments at nakikipag-ugnayan sa local units para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Ayon sa kanya, nirerespeto nila ang karapatan para sa payapang pagtitipon, subalit may mandato din sila na tiyakin na walang mangyayaring anomang hindi kanais-nais na insidente na magiging banta sa peace and order.
Sinabi ni Nartatez na minomonitor nila ang social media posts na umano’y nananawagan ng motorcade rally mula sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) hanggang Villamor Airbase, subalit hindi tinukoy kung sino ang nag-post dito.
Ayon sa kanya, ipinag-utos niya ang deployment ng mas maraming pulis sa EDSA, malapit sa Villamor Airbase at Davao City para sa unang taon ng anibersaryo ng detention ni Duterte.
Kasabay nito, pinaalalahanan niya ang mga pulis na ipatupad ang maximum tolerance at umapela sa mga magsasagawa ng protesta na sumunod sa mga awtoridad.
Matatandaan na inaresto ng mga awtoridad si Duterte at ipinasakamay sa ICC noong March 11, 2025 para harapin ang mga alegasyon ng crimes against humanity may kaugnayan sa madugong war on drugs, na kumitil sa maraming buhay.










