
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang imbestigasyon laban sa mga bomb threat na ipinapakalat online, mga pekeng babala ng pamamaril, at iba pang viral na mensaheng naglalaman ng banta sa mga paaralan.
Kasunod ito ng insidente kung saan isang binatilyo ang umano’y nag-post ng bomb threat sa opisyal na social media pages ng ilang paaralan sa San Ildefonso, Bulacan noong unang bahagi ng linggong ito.
Ayon kay Nartatez, nagdudulot ang mga bomb threat at iba pang kahalintulad na banta ng matinding takot, pagkaantala ng mga klase, at paglihis ng mga tauhan ng pulisya mula sa pagtugon sa tunay na mga emergency.
Sinabi rin ng PNP chief na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa Department of Education (DepEd), mga opisyal ng paaralan, at mga lokal na pamahalaan upang matiyak na agad na maiimbestigahan at mabibigyan ng kaukulang aksyon ang bawat banta. Hinikayat din niya ang publiko na agad iulat ang anumang bomb threat at iba pang usaping may kinalaman sa seguridad sa pamamagitan ng Unified 911 Hotline upang maiwasan ang posibleng kapahamakan.










