Paiigtingin ng Philippine National Police o PNP ang manhunt operations laban kina Atong Ang, dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag, at dating pulis na si Rafael Dumlao III matapos maglabas ang Interpol ng red notice laban sa kanila.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, inatasan na ang lahat ng regional offices ng PNP na paigtingin ang operasyon para matunton at maaresto ang tatlo.

Sinabi rin ni Tuaño na batay sa intelligence reports, nasa loob pa rin umano ng bansa ang mga akusado.

Nahaharap si Atong Ang sa mga kasong kidnapping with homicide at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero. Itinanggi naman niya ang mga alegasyon laban sa kanya. May nakalaang P20 milyong pabuya para sa impormasyon na magreresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Samantala, may arrest warrant si dating BuCor chief Gerald Bantag kaugnay ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at umano’y middleman na si Jun Villamor. May P2 milyong reward para sa ikadarakip niya. Hinihinalang nagtatago siya sa Cordillera region.

-- ADVERTISEMENT --

Si dating pulis na si Rafael Dumlao III naman ay hinatulan ng Court of Appeals ng reclusion perpetua sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo noong 2016. May P1 milyong pabuya rin para sa kanyang pagkakaaresto.

Samantala, pinuna ni Roy Mabasa, kapatid ni Percy Lapid, ang mabagal umanong paghahanap sa mga akusado sa high-profile cases at nanawagang mas paigtingin pa ang operasyon ng mga awtoridad.