Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police o PNP sa mga motorcycle taxi company at iba pang kaukulang ahensya upang palakasin ang seguridad ng mga rider kasunod ng dalawang magkahiwalay na insidente ng pagpatay kamakailan.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Allan Rae Co, pinag-aaralan na ang mga karagdagang hakbang upang maprotektahan hindi lamang ang mga pasahero kundi maging ang mga rider. Kabilang dito ang mas mahigpit na beripikasyon ng pagkakakilanlan ng mga pasahero sa mismong booking process.

Sinabi ni Co na aktibong makikilahok ang PNP sa pakikipagpulong sa mga motorcycle taxi company at iba pang ahensya upang makabuo ng mga preventive at proactive na hakbang laban sa krimen.

Dagdag pa niya, umaasa ang PNP na makikita rin ng publiko ang epekto ng pinaigting na police visibility at tuloy-tuloy na imbestigasyon sa mabilis na paglutas ng mga kaso.

Noong Hulyo 14, nasawi ang isang motorcycle taxi rider matapos holdapin at saksakin ng kanyang pasahero sa Caloocan City. Isa pang rider ang napatay sa Cavite matapos umanong holdapin ng pasaherong nag-book ng biyahe mula Maynila.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang suspek na sangkot sa magkahiwalay na insidente at nahaharap na sa kaukulang mga kaso.