
Patuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police o PNP sa pagpaslang sa vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, kung saan sinisiyasat ng mga awtoridad ang lahat ng posibleng motibo sa krimen.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Allan Rae Co, kabilang sa mga sinusuri ang pagba-vlog ni Lipata, kanyang mga aktibidad, political leanings, negosyo at pribadong buhay upang matukoy kung alin sa mga ito ang posibleng naging dahilan ng pamamaril.
Noong Hulyo 17, binaril at napatay si Lipata ng mga hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng motorsiklo sa labas ng kanyang bahay sa Barangay 171, Caloocan City. Sugatan naman ang kanyang live-in partner sa naturang insidente.
Bilang tugon sa insidente, bumuo ang Northern Police District ng Special Investigation Task Group o SITG “MIMA” upang tutukan ang kaso.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si Co sa takbo ng imbestigasyon upang hindi umano makompromiso ang isinasagawang imbestigasyon at pagtugis sa mga suspek.
Nakilala si Lipata sa social media bilang vlogger na madalas magbigay ng pananaw sa mga usaping pampamahalaan. Kilala rin siya bilang tagasuporta ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kritiko ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang mga kaalyado.








