
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na nakatuon na ngayon ang imbestigasyon sa pag-secure ng mga ebidensya kaugnay sa pagkamatay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary na si Maria Catalina Cabral, na natagpuang patay sa Benguet.
Ayon kay PNP Acting Chief Police Lieutenant General Jose Nartatez Jr., iniimbestigahan na ang driver ni Cabral, na umaming iniwan ang dating opisyal sa Kennon Road sa Tuba, Benguet noong Huwebes, ayon umano sa kahilingan nito.
Matapos makumpirma ang pagkakakilanlan ng bangkay, sinabi ni Nartatez na layunin na ngayon ng PNP na alamin kung ano ang tunay na nangyari sa mga huling oras ni Cabral.
Si Cabral ay idineklarang patay noong Disyembre 19 matapos matagpuang walang malay at hindi na tumutugon sa tabi ng Bued River, may 20 hanggang 30 metro sa ibaba ng Kennon Road.
Samantala, iniutos ng Office of the Ombudsman ang pag-secure ng cellphone at iba pang gadgets ni Cabral. Nagsagawa rin ng search operation ang National Bureau of Investigation (NBI) sa hotel room nito sa Baguio City upang makakalap ng karagdagang ebidensya.
Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa iba’t ibang ahensya kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects ng DPWH, kung saan nasasangkot si Cabral. Bago ang kanyang pagkamatay, nakatakda sanang iendorso ng Department of Justice ang isang kasong plunder laban sa kanya sa Ombudsman.
Upang maiwasan ang anumang pagkukulang, iniutos ni Nartatez ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga pulis na humahawak ng kaso, kasunod ng pagtanggal sa puwesto ng hepe ng pulisya ng Tuba, Benguet.










