Nilinaw ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Anthony Aberin na walang ibinigay na espesyal na pagtrato ng pulisya sa isinagawang rally ng Iglesia ni Cristo (INC), sa kabila ng pagiging miyembro niya ng relihiyosong grupo.

Ayon kay Aberin, nananatiling nakabatay sa Saligang Batas at sa umiiral na mga batas ang lahat ng hakbang ng Philippine National Police (PNP). Aniya, walang sinumang grupo ang bibigyan ng espesyal na pagtrato sa pagpapatupad ng batas.

Sinabi rin ng mga awtoridad na nagulat sila sa biglaang pagtitipon ng mga raliyista sa EDSA noong madaling araw ng Martes. Bilang tugon, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang PNP na pairalin ang maximum tolerance upang matiyak na mananatiling mapayapa at maayos ang sitwasyon.

Samantala, kinumpirma ng Quezon City Police District na may naaprubahang permit ang rally ng INC sa EDSA People Power Monument hanggang alas-8:00 ng gabi ng Hulyo 1. Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa PNP upang bantayan ang sitwasyon at nanawagan sa mga organizer na tiyaking hindi maaabala nang labis ang publiko.