TUGUEGARAO CITY-Nilinaw ni Edwin Buendia, detailed quarry chief ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO)-Cagayan na walang nangyayaring oil spill at black sand mining sa bayan ng Ballesteros matapos tangayin ng malalakas na alon ang tatlong barko sa lugar.
Ayon kay Buendia, ang tatlong barko na MV Nanyang 7, MV Nanyang 168 at MV Seaford 13 ay orihinal na nasa bayan ng Aparri ngunit natangay ng malalakas na alon kasabay nang pananalasa ng Bagyong Ulysses sa bansa nitong nagdaang linggo at napadpad sa bayan ng Ballesteros.
Paliwanag ni Buendia, kasabay ng kanilang pag-inspeksyon sa lugar nitong nagdaang Biyernes, Disyembre 4,2020 , walang nangyaring oil spill at wala rin umanong kakayahan ang mga barko na magsagawa ng black sand mining.
Aniya, ang mga naturang barko ang nabigyan ng permit mula sa Department Of Public Works and highways (DPWH) na magsagawa ng dredging sa Cagayan River.
Kaugnay nito, sinabi ni Buendia na kanyang inirekomenda sa opisina ni Governor Manuel Mamba na muling hilain ang MV nanyang 168 at MV seaford 13 sa bayan ng Aparri habang ang MV Nanyang 7 ay magpapadala ng sulat sa kumpanyang nagmamay-ari ng barko na kung maari ay tanggalin na lahat ng langis sa barko dahil ito’y nakatagilid na at hindi na maaring hilain.
Bagamat may isang crew ang mga nasabing barko na nasa pampang, sinabi ni Buendia na hindi naman sila magkaintindihan dahil hindi marunong mag-english o magtagalog ang Chinese.
Hinimok rin ni Buendia ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at Environmental Management Bureau (EMB)na magsagawa ng pagsusuri sa tubig-dagat sa lugar para mabigyan ng solusyon ang unang naging problema ng mga mangingisda lalo na ang mga nangunguha ng “Gakka” isang uri ng sea shell na lasang langis umano ang kanilang mga nakukuha.
Nabatid na unang nabahala ang mga fisherfolk sa lugar dahil sa lasang langis umano ang mga nakukuhang “Gakka” kung kaya’t gumawa sila ng sulat at ipinaabot kay Mayor Vincent Unite na inendorso rin sa DENR na dahilan ng agarang aksyon.
Sinabi ni Buendia na maaring may ibang kemikal ang nahalo sa tubig kaya nag-iba ang lasa nito.