Suportado ni Senator Grace Poe ang hakbang ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na suspindehin ang implementasyon ng buong cashless payment system sa mga expressway, na ipinag-uutos ng Toll Regulatory Board (TRB).

Ayon kay Poe, bagama’t ideal ang no-cash scheme, hindi ito maaaring ipatupad hangga’t hindi natitiyak ng mga operator na ang lahat ng depekto sa sistema ay maaayos, tulad ng mga sirang boom gates, hindi nababasang sticker, at mga sirang RFID (radio-frequency identification).

Dapat din umano na may opsyon ang mga motorista na magbayad ng cash para sa mga hindi inaasahang pagkakataon.

Inanunsyo ng TRB na magsisimula sa Marso 15 ang requirement na lahat ng sasakyan na dumadaan sa mga expressway ay kailangang may RFID upang makapagbayad ng toll fees sa cashless system.