Aabot sa P500,000 ang inilaang pondo para sa implementasyon ng programang kwarto ni neneng dito sa probinsya ng Cagayan.
Ayon kay Bonifacio Cuarteros, assistant officer ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Cagayan, kaagad na inaprubahan ng mga miyembro ng Sanguniang Panlalawigan ang Memorandum of Agreement (MOA) na nagbibigay otorisasyon kay Governor Manuel Mamba sa pag-implementa ng “kwarto ni Neneng” project katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Region 02.
Ang proyektong kwarto ni neneng ay isang paraan upang matugunan at maiwasan ang mga kaso ng sekswal na pang-aabuso lalo na sa mga liblib na lugar.
Sa pamamagitan aniya ng proyekto ay nabibigyan ng hiwalay na kwarto sa mga bahay ang mga kabataan na kung saan may naitala nang kaso ng panggagahasa.
Batay umano sa datos ay isa sa nakitang dahilan ng pagtaas ng kaso ng rape lalo na noong pandemya ay ang kawalan ng kwarto sa loob ng isang tahanan dahilan para magkakatabing natutulog ang mga nasa loob ng isang bahay.
Dahil dito ay binisita ng kanilang ahensiya ang ilang mga biktima ng panggagahasa at dito ay nakita kung sino ang mga target na bibigyan ng nasabing tulong na pangungunahan ng DILG at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Bukod pa sa pagbibigay ng shelters sa mga kabataan na biktima ng ganitong kaso ay tutulungan rin sila sa kanilang edukasyon gaya na lamang ng pagbibigay ng scholarships gayundin sa pagsasagawa ng counseling para sa mga ito upang tuluyan silang makaahon mula sa kanilang masalimuot na karanasan.