photo credit: Commission on Population and Development

TUGUEGARAO CITY-Hinimok ng Commission on Population and Development (POPCOM)-Region II ang mga sexually active na gumamit ng modern family planning methods sa halip na “withdrawal”.

Ayon kay Herita Macarubbo, Regional Director ng POPCOM-Region 02, hindi epektibong pamamaraan sa pagpaplano ng pamilya ang “withdrawal” dahil maaari pa ring makabuntis o mabuntis kung patuloy itong ginagamit.

Aniya, marami pa rin ang gumagamit nito at batay sa 2017 National Demographic and Health Survey ay nasa 20 percent sa buong bansa ang gumagamit nito kung saan dito sa rehiyon dos ay nasa 5.3 percent.

Dagdag pa ni Macarubbo na nasa 49 percent sa mga sexually active na unmarried women ang mayroong unmet needs sa family planning o iyong mga nais gumamit ng contraceptives pero natatakot sa mga side effects o kulang sa kaalaman kung saan sa rehiyon dos ay 10.9 percent.

Sinabi ni Macarubbo na ang total demand sa pagpaplano ng pamilya sa mga kababaihan sa buong bansa ay umaabot sa 71 percent kung saan dito sa rehiyon ay 55.3 percent lamang.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ay sakabila na ang rehiyon ang may pinakamataas na gumagamit ng contraceptives na umaabot sa 4.3 percent na karamihan ay gumagamit ng pills.

Sa mga may-asawa naman ay 63.4 percent ang ayaw nang magkaroon ng anak habang 81.9 percent ang hindi napag-uusapan ang pagpaplano ng pamilya na may kasamang health care provider.

Kaugnay nito, sinabi ni Macarubbo na nais nilang tutukan ang unmet needs sa rehiyon kasabay ng family planning month ngayong buwan ng Agosto na may temang “usap tayo sa family planning at iba pa”.