Ipinahiwatig ni Pope Leo sa kanyang biyahe sa Africa na hindi dapat nakasentro sa usaping sekswalidad ang pangunahing direksyon ng Simbahang Katolika, kundi sa mas malalaking isyu tulad ng kahirapan, katarungan at pagkakapantay-pantay.

Ayon sa Papa, hindi dapat umiikot sa sexual ethics ang pagkakaisa o pagkakahati-hati ng Simbahan. Mas mahalaga aniya ang pagtutok sa mga isyung may kinalaman sa digmaan, pamahalaang mapaniil, at hindi pagkakapantay ng oportunidad sa lipunan.

Sinabi rin niya na sinusuportahan niya ang naunang desisyon ng yumaong Pope Francis noong 2023 na pinapayagan ang mga pari na magbigay ng basbas sa same-sex couples sa mga hindi pormal na paraan, ngunit hindi niya nais na palawakin pa ito bilang opisyal na ritwal ng Simbahan.

Dagdag pa ni Pope Leo, maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak sa Simbahan kung mas bibigyang-diin pa ang naturang usapin sa halip na mga isyu ng lipunan.

Ayon sa ilang eksperto sa Vatican, ito ay itinuturing na bagong pananaw sa pamumuno ng Simbahan dahil mas binibigyang-priyoridad ang mga usapin ng hustisya kaysa sa sexual morality.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, binigyang-diin din ng Simbahang Katolika na nananatili ang turo nito na ang sexual relations sa labas ng heterosexual marriage ay itinuturing na kasalanan, at hinihikayat ang mga may same-sex attraction na mamuhay nang malinis.