Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang ipatutupad na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang Abril 15, ngunit inaasahan ang pagtaas sa ilang produkto matapos ang nasabing petsa.

Ayon kay DTI Secretary Cristina Aldeguer-Roque, mananatiling stable ang presyo ng basic necessities at prime commodities hanggang Abril 16, ngunit may inaasahang pagtaas sa ilan, bagamat hindi lahat ng produkto ay maaapektuhan.

Dagdag pa niya, nakipagpulong na ang DTI sa mga manufacturers at may ilang pangunahing bilihin na hindi tataas ang presyo hanggang katapusan ng Abril.

Tiniyak din niyang magbibigay ng update ang ahensya sa publiko bago sumapit ang Abril 16 kaugnay ng posibleng adjustments sa presyo.

Samantala, kinumpirma ni Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, na posibleng magtaas ang presyo ng ilang grocery items simula Abril 17.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, sinabi niyang hindi dapat ikabahala ito dahil inaasahang maliit lamang ang magiging dagdag-presyo.

Ibinahagi rin na may ilang manufacturers na nagbabalak nang magpatupad ng price increase, ngunit hindi ito sasaklaw sa lahat ng produkto.

Ayon pa kay Cua, magiging maingat ang mga manufacturers sa pagpapatupad ng dagdag-presyo upang hindi mawalan ng mga mamimili, lalo na’t marami na ang nahihirapan sa mataas na presyo ng bilihin bago pa man sumiklab ang krisis sa langis.