Kinumpirma ng Malacañang na pinag-aaralan na ang mga posibleng probisyon ng panukalang Anti-Dynasty Bill, isang priority measure ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, tinalakay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Executive Secretary Ralph Recto sa isang pulong sa Malacañang ang mga maaaring laman ng panukala, kabilang ang antas ng pagbabawal, lawak ng relasyon sa pamilya, at kung saklaw nito ang consanguinity at affinity.

Kasama rin sa pinag-usapan ang mga posisyong sakop ng pagbabawal—lokal, nasyonal, o pareho—gayundin kung ang ipatutupad ay sabay-sabay o sunod-sunod na pagtakbo sa puwesto.

Nauna nang hinikayat ng Pangulo ang Kongreso na unahin ang pagpasa ng Anti-Dynasty Bill upang maipatupad ang probisyon ng 1987 Konstitusyon na nagbabawal sa political dynasties.