Mariing kinondena ni Mayor Maila Ting Que ang post sa social media na nag-viral na may na-holdup sa lungsod at may caption na hindi na ligtas ang lungsod dahil sa nasabing insidente.

Sinabi ni Que na agad siyang tumawag sa PNP station at iniutos ang imbestigasyon.

Kasunod nito ay pumunta sa PNP station at dito nalaman sa pagsisiyasat ng mga pulis sa mismong biktima na hindi totoo na siya ay na-holdup sa Pagulayan Street, Ugac Norte.

Ayon kay Que, sinabi ng biktima na naglabas umano siya ng P45k sa ATM at sinabi niya sa kanyang pinsan na siya ay na-holdup at ipinakita ang kanyang mga sugat.

Pinost naman agad sa social media ng pinsan ang kuwento ng kanyang pinsan.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, napa-amin ang biktima na hindi totoo ang kanyang sinabi sa pinsan dahil sa nawala umano niya ang pera, at sinaktan niya ang kanyang sarili at pinunit ang kanyang t-shirt para magmukhang siya ay sinaktan ng holdupper.

Ito ay matapos na tignan ng mga pulis ang CCTV at walang nakita na insidente ng holdup sa lugar na sinabi ng biktima na nangyari ang insidente.

Dahil dito, sinabi ni Que na makikipag-ugnayan siya sa hepe ng PNP Tuguegarao para sa pagsasampa ng kasong alarm and scandal laban sa biktima dahil sa pagsisinungaling.

Binigyang-diin ni Que na lumikha ito ng panic at paninira sa imahe ng Tuguegarao City.

Idinagdag pa ni Que na hindi ito ang unang pagkakataon na may mga post ng hindi totoong pangyayari sa lungsod tulad ng sinabing siya ay hinalay, subalit nalasing lang at ang isa naman ay tinangay umano siya ng tricycle driver na kalaunan ay lumabas na sumama pala siya sa kanyang boyfriend.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Que ang publiko na iwasan ang pag-post ng gawa-gawang istorya at huwag agad i-share kung hindi ito beripikado at kung totoo mang biktima ng masasamang loob, ay unahing magpasaklolo sa mga awtoridad at huwag agad itong i-post sa social media.

Agad na tinanggal ang nasabing post at humingi na rin ng paumanhin ang ang gumawa nito.