Nakakaranas ngayon ng power interruption ang Probinsya ng Batanes bunsod ng pagbabawas ng oras nang power operation ang Batanes Electric Cooperative (BATANELCO) dahil sa nararanasang kakapusan ng fuel supply ngayon sa probinsya.

Sa panayam kay Victoria Mata, General Manager ng BATANELCO, nitong nakaraang Linggo mula sa dating operational hours na 24 oras ay ginawa itong 18 oras upang makatipid sa fuel ngunit dahil sa matagal na pagdating ng supply ay kinailangan na naman nilang magbawas kahapon Sept 8 at ginawa nalamang walong oras.

Paliwanag niya, sa ngayon ay mayroon nalamang silang 57 liters ng fuel na maaaring magamit hanggang Sept 17 at kung ito ay maubos ay posibleng makaranas ang Batanes ng total brownout.

Sinabi niya na sa ngayon ay mayroon silang inaasahan na higit 900k liters na posibleng dumating sa September 14 kung hindi magbabago ang kondisyon ng panahon at ito naman ang kanilang magiging supply na aabot na hanggang sa buwan ng Nobyembre.

Sa oras na makarating na ang supply ng fuel ay doon lamang aniya nila ibabalik ang 24 hours na power operation kung saan kaya nitong ma-supplyan ang mga isla ng Batan, Itbayat at Sabtang.

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni Mata na kabilang sa dahilan ng pagkaantala ng pagdating ng mga supply ng produktong petrolyo ay ang epekto ng magkakasunod na bagyo kung saan ay walang pinapayagan na makapaglayag at maging ang mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Nabatid na aabot sa P7M ang binabayaran ng BATANELCO sa National Power Corporation sa kada buwan upang matiyak lamang ang pagkakaroon ng sapat na supply ng kuryente sa kanilang probinsya.