Inaasahang nasa 6-K aplikasyon para sa mga kukuha ng September 2025 Licensure Examination for Professional Teachers ang maseserbisyuhan ng Professional Regulation Commission (PRC) sa muling pagsasagawa ng Mobile Service sa Cagayan Valley.
Ayon kay Juan Alilam Jr., OIC-Regional Director ng PRC RO2, kasalukuyan ang Mobile Service sa Nueva Vizcaya na magtatapos sa August 7 at sa Tuguegarao City hanggang August 11, ngayong taon.
Sinabi ni Alilam, ang mga kliyente na nais mag-apply para sa naturang licensure examination sa September 21 ay pinapayuhang magparehistro online para makakuha ng appointment bago tumuloy sa pinakamalapit na mobile service venue.
Gayunman, bibigyang pansin pa rin ng kanilang tanggapan ang mga walk-in applicants pati na ang mga nalampasan ng appointments, subalit mas mainam aniya kung may online appointment upang mabigyan ng schedule.
Sa ngayon ay nasa 3,500 katao na ang naserbisyuhan ng PRC kasama na sa iba pang venue na natapos na gaya sa lalawigan ng Batanes at inaasahang higit pa sa nasabing bilang ang kanilang maseserbisyuhan.
Layunin nito na mailapit ang serbisyo ng PRC sa mamamayan kung saan katuwang ng komisyon ang mga Provincial Government sa rehiyon.
Samantala, inaantay na lamang ang resolusyon mula sa PRC para sa posibilidad na mapabilang ang Nueva Vizcaya sa mga testing center sa rehiyon dos kasama ng Tuguegarao City, Cagayan; Batanes at Cauayan City, Isabela.