Sinimulan na ang pre-emptive evacuation sa mga baybaying bayan ng Cagayan mula Sta. Ana hanggang Claveria, kabilang na ang Calayan, bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng Super Typhoon Nando.
Ayon kay Rueli Rapsing, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Cagayan, nakatutok ang kanilang operasyon sa mga coastal areas na inaasahang direktang maaapektuhan ng bagyo, partikular sa Calayan Islands at karatig-probinsiya ng Batanes.
Batay sa ulat ng PDRRMO, nasa 20 pamilya o humigit-kumulang 50 indibidwal mula sa tatlong barangay sa Peñablanca ang naunang nailikas sa mas ligtas na lugar.
Tiniyak ni Rapsing na nakahanda ang lahat ng kaukulang ahensya gaya ng mga Municipal at Barangay Disaster Risk Reduction and Management Offices.
Naka-preposition na rin ang quick response teams, kagamitan, at floating assets para sa rescue operations sakaling lumala ang sitwasyon.
Samantala, suspendido na ang lahat ng biyahe mula mainland Cagayan papuntang Calayan Islands bilang bahagi ng preventive measures.