Ipinag-utos na ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang preemptive evacuation at sapilitang paglilikas sa mga residente na nasa coastal towns ng lalawigan dahil sa banta ng storm surge na dulot ng bagyong ‘Egay’.

Ayon kay Rueli Rapsing, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), kasabay sa pagtaas ng Signal No. 3 sa ilang bayan sa mainland Cagayan ay mataas ang banta ng storm surge o daluyong na posibleng umabot ng tatlong metro ang taas sa coastal areas ng Sta Ana, Gonzaga, Sanchez Mira, Pamplona, Claveria at Aparri.

Patuloy na tinututukan ng ahensya ang naturang mga lugar na nasa northwest at northeastern Cagayan na landslide at flood prone na tatahakin ng bagyo sa North Luzon.

Suspendido na rin simula ngayong araw ng Martes ang klase sa lahat ng antas, trabaho sa gobyerno at mga pribadong establishimento maliban sa frontline agencies na nagbibigay ng emergency services.

Ipinauubaya naman ng pamahalaang panlalawigan sa mga local government units ang pagdedesisyon sa pagpapatupad ng liquor ban sa kanilang mga nasasakupan.

-- ADVERTISEMENT --

Naka-preposition na rin ang mga family food packs sa dalawang warehouses sa lalawigan na matatagpuan sa kapitolyo sa Tuguegarao City at sa sub-capitol sa Brgy. Bangag Lallo kung saan naroon ang Incident Management Team (IMT) at emergency operation center ng pamahalaang panlalawigan

Dagdag pa nito na naka-preposition na rin ang mga non-food items sa mga Quick Response Team stations kung saan bawat istasyon ay may tig-tatlong floating assets, isang ambulansiya, isang rescue car at iba pang mga search vehicle, habang nakapakat na rin ang mga heavy equipment sa PDRRMO.