
Pinangunahan ni Executive Secretary Ralph Recto noong Enero 7 ang isang mataas na antas na pagpupulong para tiyakin ang kahandaan ng Pilipinas sa pagho-host ng 48th at 49th ASEAN Summits at iba pang kaugnay na pagpupulong sa 2026.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga plano sa logistics, procurement, at ahensya-specific work plans, kasama ang mga opisyal mula sa DPWH, DOT, DSWD, DICT, DBM, DMW, DFA, DTI, DILG, DND, DOTr, DOLE, OWWA, at CAAP.
Itatakda ang 48th ASEAN Leaders’ Summit sa Cebu sa Mayo 8-9, habang ang 49th ASEAN Summit ay sa PICC, Nobyembre 10-12. Bago ang leaders’ meetings, gaganapin sa Cebu ang ASEAN Foreign Ministers’ Retreat (Enero 25-29) at ASEAN Tourism Forum (Enero 26-30).
Bilang bahagi ng selebrasyon, pamumunuan din ng Pilipinas ang 50th anniversary ng Treaty of Amity and Cooperation sa Hulyo 24 sa PICC.
Sa kabuuan, inaasahang 208 clustered ASEAN meetings o higit sa 650 total meetings ang gaganapin sa buong taon, na may mahigpit na seguridad lalo na sa leaders’ summits.









