Inaasahan ng Department of Agriculture (DA) na bababa ang presyo ng karne ng baboy ngayong buwan ng Marso.
Sinabi ni DA assistant secretary Arnel de Mesa, ito ay matapos na magkaroon ng kasunduan ang stakeholders ng hog industry na dapat na magkaroon ng pagbabawas sa presyo ng karne ng baboy.
Idinagdag pa ni De Mesa na unti-unti nang bumababa ang presyo ng farmgate price ng baboy bago ang deklarasyon ng pagpapatupad ng maximum suggested retail price ng baboy.
Sinabi niya na umabot sa hanggang P260 per kilo ang farmgate price, at ngayon ay bumaba ito ng P220 at ang maximum ay P240, na magreresulta sa P10 hanggang P20 na bawas-presyo sa karne ng baboy sa production level.
Batay sa pinakahuling price monitoring ng DA, ang presyo ng pork ham ay mula P350 hanggang P420 mula P370 hanggang P430 sa simula ng kasalukuyang buwan.
Ang pork belly naman ay dating P380 hanggang P480 na bahagyang bumaba sa P375 hanggang P480.
Idinagdag pa ng DA na ang isa pang dahilan ng inaasahan na pagbaba sa presyo ng karne ng baboy ay ang pagtaas ng hog production.