
Posibleng makaranas ng bahagyang pagtaas sa presyo ng baboy habang papalapit ang Araw ng Pasko, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Tinatayang aabot sa ₱1.25 kada kilo ang posibleng itaas ng presyo bunsod ng pagtaas ng demand ngayong holiday season.
Ayon sa DA, nananatili sa ₱370 kada kilo ang maximum suggested retail price (MSRP) ng liempo, habang ₱330 kada kilo naman ang kasim at pigue.
Ipinaliwanag ng ahensya na mas mataas ang presyo ng liempo dahil ito ay itinuturing na “choice cut” o mas pinipiling bahagi ng baboy, kaya natural na mas mahal ito kumpara sa ibang hiwa.
Batay sa mga naobserbahang trend sa mga nakalipas na taon, karaniwan umanong may kaunting paggalaw sa presyo ng baboy tuwing Kapaskuhan.
Ito ay dulot ng pagtaas ng demand, lalo na sa mga handaan at selebrasyon ng Noche Buena at Pasko.
Gayunman, sinabi ng DA na may pagbabago na sa gawi ng mga mamimili.
Ayon sa ahensya, mas marami na ngayon ang mas pinipiling bumili ng lutong pagkain mula sa mga tindahan at kainan sa halip na magluto pa sa bahay, na maaaring makatulong upang hindi masyadong tumaas ang demand sa sariwang karne ng baboy.
Tiniyak ng DA na patuloy nitong babantayan ang presyo ng baboy sa mga pamilihan at makikipag-ugnayan sa mga tindero upang masiguro ang pagsunod sa itinakdang MSRP at maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo sa gitna ng holiday season.










