Inaasahang babalik sa normal ang presyo ng gulay sa loob ng isa hanggang dalawang linggo, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, mabilis ang paggalaw ng presyo ng mga gulay kaya posible itong bumaba sa mga susunod na araw kung hindi na muling tatamaan ng bagyo ang mga taniman.

Ito’y kasunod kasi ng halos P2.34 bilyong pinsala sa agrikultura dulot ng habagat at magkakasunod na bagyong Emong, Dante, at Crising.

Nasa higit P400 milyon dito ay mula sa mga high-value crops tulad ng gulay, prutas, at root crops.

Sa kasalukuyan, tumaas ang presyo ng mga gulay gaya ng ampalaya, sitaw, talong, at repolyo, ngunit ayon sa DA, normal lang ang 10% hanggang 15% na pagtaas sa ganitong sitwasyon, pero inaasahang bubuti na ang suplay kasabay ng pagbuti ng panahon.

-- ADVERTISEMENT --