Ipinahayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na mas makabubuti kung ang Department of Energy (DOE) ang mag-aadjust ng presyo ng langis kaysa hayaan itong kontrolin ng mga pribadong oil companies.

Kasunod ito ng pahayag ng Department of Energy na may kapangyarihan itong magtakda ng presyo ng petroleum products sa ilalim ng state of national energy emergency. Ayon kay Lacson, nararapat lamang gamitin ng pamahalaan ang kapangyarihang ito, basta’t makatwiran at transparent ang magiging batayan ng presyo.

Iginiit ng senador na malinaw sa umiiral na batas na maaaring mag-regulate ang DOE kung kinakailangan para sa kapakanan ng publiko. Aniya, mas mainam ito kaysa sa direktang pagdikta ng presyo ng mga oil firms.

Samantala, nagpahayag naman ng pag-aalala si Imee Marcos. Ayon sa kanya, walang pagbabago sa mandato ng DOE, at kinuwestiyon niya ang timing ng posibleng price control, lalo na kung bumababa naman ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sa gitna ng umiigting na tensyon sa Middle East, patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina sa bansa. Malaki ang epekto nito sa transport sector, gayundin sa mga magsasaka at mangingisda, dahil sa tumataas na gastos sa operasyon at pang-araw-araw na pamumuhay.

-- ADVERTISEMENT --