Mariing pinabulaanan ng isang principal sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan na tinangka niyang ibulsa ang donasyon na mahigit na P500,000 mula sa dating estudyante at social media personality na si Bretman Rock.

Si Bretman Rock ay kilalang beauty influencer at isa sa pinakaprominente na LGBTQ+ figure sa social media.

Tinalakay ni Rock sa kanyang pinakahuling episode ng kanyang podcast ang nasabing usapin.

Ayon sa kanya, nag-donate siya ng P500,000 sa Sanchez Mira Elementary School, at kalaunan ay tinanong niya kung saan ginamit ang pera matapos na lumutang ang concerns mula sa miyembro ng school community.

Sinabi ni Rock na direktang ibinigay ang donasyon sa school principal na si Adelinop Mahumot Pacris, na nagbunsod umano ng kalituhan sa mga guro at staff na walang alam tungkol sa nasabing pondo.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, nalaman niya ang nasabing isyu matapos na makatanggap ng private messages mula sa mga indibidual na may kaugnayan sa eskwelahan, kaya nagduda na rin siya kung paano ginamit ang kanyang donasyon.

Nakarating din ang usapin sa pamilya ni Rock, at nakialam at nanawagan ng pananagutan ang kanyang ina.

Ayon kay Rock, binalaan ng kanyang ina ang mga opisyal ng paaralan sa hindi tamang paggamit sa donasyon at iginiit na dapat may resibo ang lahat ng transaksyon.

Kalaunan, ibinigay ang pera sa school treasurer kasama ang mga resibo at documentation.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni principal Pacris, wala siyang intensyon na ibulsa ang nasabing donasyon na umaabot sa P555,000.

Ayon kay Pacris, naipagbigay-alam ang nasabing donasyon ng team ni Rock, at naging maingat siya matapos na matanggap ang mga kaukulang dokumento.

Idinagdag pa niya na kumonsulta pa siya sa abogado bago lagdaaan ang “Release and Agreement” para makatiyak na naintindihan niya ang mga probisyon sa nasabing donasyon ni Rock.