
Target ng pamahalaan na makumpleto pagsapit ng Hunyo 2027 ang mga prayoridad na flood catchment projects sa Metro Manila, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.
Ayon kay MMDA Chair Romando Artes, mula sa 107 na unang tinukoy na sites, 39 na lamang ang isinailalim sa plano matapos ang konsultasyon sa mga landowner at local government units. Kabilang sa priority sites ang Miriam College, Camp Aguinaldo at UP Diliman sa Quezon City, pati Rizal Memorial Stadium, Rajah Sulayman Park at Remedios Circle sa Maynila.
Kung makukuha ang pondo para sa lahat ng 39 proyekto ngayong taon, maaari itong makumpleto pagsapit ng Disyembre 2027. May initial funding na $200 milyon o tinatayang P11.4 bilyon mula sa Asian Infrastructure Investment Bank, bagama’t wala pa itong partikular na site na paglalaanan.
Ayon sa MMDA, kabilang sa mga proyekto ang paggamit ng permeable materials sa mga sidewalk upang mas madaling masipsip ng lupa ang tubig, bilang bahagi ng flood management efforts.










