
Pinangunahan ni Police Brigadier General Antonio Marallag Jr., Regional Director ng Police Regional Office 2, ang paggunita sa 44 miyembro ng Philippine Natinal Police- Special Action Force (PNP-SAF) na nasawi sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.
Sa kanyang talumpati sa SAF 44 monument sa Police Regional Office 2, binigyang-diin ni Marallag ang sakripisyo ng SAF 44 bilang pinakamataas na anyo ng paglilingkod sa bayan.
Kabilang sa nasawi ang anim na pulis mula sa Rehiyon 2: PO2 Joel Dulnuan (Nueva Vizcaya); PO1 Loreto Capinding II, PO3 Rodrigo Acob, PO3 Andres Duque Jr. (Isabela); at PO1 Oliebeth Viernes, PO2 Richelle Baluga (Cagayan).
Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa pamilya ng mga bayani at hinikayat ang kapulisan na ipagpatuloy ang diwa ng tapang, disiplina, at walang pag-iimbot na serbisyo.
Itinakda ang Enero 25 bilang National Day of Remembrance para sa SAF 44 sa bisa ng Presidential Proclamation ni Pangulong Duterte noong 2017, bilang pag-alala sa kanilang gallantry at bravery sa Oplan Exodus na nagtangkang hulihin ang international terrorists na sina Zulkifli Bin Hir alias Marwan at Basit Usman.










