Photo Credit: PNP-Baggao

TUGUEGARAO CITY-Problema sa mga magulang ang nakikitang dahilan ng pagbigti-patay ng isang lalaki sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Ayon kay P/senior master sgt. Stephen Pattaui, imbestigador ng kaso, hiniling umano ng biktima na si Dominic Pareñas, 21-anyos, residente ng Brgy. San Antonio sa kanyang ama na makipagbalikan na sa kanyang ina na kapwa na sa kalakhang Maynila.

Ngunit, sinabi umano ng kanyang ama na wala na itong planong makipagbalikan muli dahil sa hindi mabatid na dahilan.

Dahil dito, nakailang ulit na umanong tinangka ng biktima na magpakamatay pero nitong araw ng Miyerkules, Enero 27,2021 nang matagpuan ang biktima na nakabitin sa isang basketball ring gamit ang lubid.

Bago nito, nakipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan kung saan muling naglabas ng kanyang hinanaing may kaugnayan sa kanyang mga magulang na dinamayan naman ng kanyang mga kasama.

-- ADVERTISEMENT --

Lingid naman sa kaalaman ng mga nakasama na hindi agad umuwi ang biktima sa kanilang tahanan matapos ang kanilang inuman kung saan nito isinagawa ang pagpapakamatay.

Isang residente naman ang nakakakita sa biktima na nakabitin pero nang kanyang ibaba ay wala na itong buhay.

Nabatid na nakikitira lamang si Pareñas sa kanyang tiyuhin habang nasa Maynila ang kanyang mga magulang maging ang kanyang mga kapatid.