Inaasahang bababa pa sa 3.10 milyong metriko tonelada ang produksyon ng palay sa Pilipinas mula Hulyo hanggang Setyembre 2026, batay sa pinakahuling pagtataya ng Philippine Statistics Authority o PSA.

Mas mababa ito ng 17.2 porsiyento kumpara sa aktuwal na 3.75 milyong metriko toneladang naani sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Mas mababa rin ang bagong pagtataya kumpara sa naunang 3.19 milyong metriko tonelada batay sa datos noong Agosto.

Ayon sa PSA, inaasahang liliit ng 17.8 porsiyento ang lawak ng lupang naanihan ng palay, mula 916.77 libong ektarya noong ikatlong quarter ng 2025 tungo sa 753.68 libong ektarya ngayong taon.

Gayunman, inaasahang bahagyang tataas ng 0.7 porsiyento ang ani ng palay kada ektarya, sa 4.12 metriko tonelada.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inaasahan ding bababa sa 2.08 milyong metriko tonelada ang produksyon ng mais, mula sa 2.43 milyong metriko tonelada noong kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Bilang tugon sa pangangailangan sa suplay, target ng National Food Authority na makabili ng hanggang 500,000 metriko toneladang palay sa kasalukuyang anihan, habang isinusulong naman ng Department of Agriculture ang pagpapalawak ng quota sa pag-aangkat ng mais upang makatulong na mapigilan ang pagtaas ng gastos sa pakain ng mga baboy at manok.