Direkta nang mabibili ng mga konsyumers sa Cagayan ang mga de-kalidad na produkto ng mga magsasaka sa murang halaga kasunod ng inilunsad na “Kadiwa project” ng Department of Agriculture.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Kadiwa project focal person Bernard Malazzab, Jr ng DA-RO2 na hindi na kailangan ng mga magsasaka na dumaan sa mga “middle man” para lamang makapagbenta ng mga produktong agrikultura sa mga konsyumer sa ilalim ng Kadiwa project.
Ayon kay Malazzab, ibinalik ng gobyerno sa tulong ng DA ang Marcos-era Kadiwa store system upang matulungan ang mga magsasaka at mga mamimili.
Pinangunahan naman ni Kristine Ylagan, Assistant Secretary for Agribusiness and Marketing ng DA-Central office ang ceremonial launch ng kadiwa outlet sa DA Regional Office, Multi Purpose Cooperative na matatagpuan sa San Gabriel, Tuguegarao City.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Ylagan ang kahalagahan ng bagong marketing strategy ng kagawaran na may layuning mailapit ang mga dekalidad na agri-products sa murang halaga na kauna-unahang inilunsad sa Cagayan sa buong bansa.
Umaasa si Ylagan na tatangkilikin ng mga konsyumers sa rehiyon ang mga ibinebentang produktong pang-agrikultura maging ng pesticides upang mapanatili ang proyekto.