Tuguegarao City- Nakatakdang magsagawa ng “proficiency test” ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa bagong COVID-19 testing center ng Region 2 ngayong Linggo.
Ito ay sa pamamagitan ng pagpapadala ng limang specimen na ipapasuri sa naturang pasilidad kung saan ay dati ng alam ng mga otoridad ang resulta at sakaling magtutugma ay tsaka pa lamang sila mabibigyan ng license to operate.
Sa panayam kay Dr. Jane Pagaddu ng Department of Pathology and Laboratory, bahagi ito ng mga hakbang na maihanda ang pasilidad upang tuluyang makapagsuri ng mga specimens mula sa rehiyon at karatig probinsya.
Paliwanag nito na kailangang makamit ng COVID-19 testing center ang safest standard at mga planong nakasaad sa pamantayan ng WHO, RITM at ng DOH.
Ayon sa kanya ay bahagi na rin ito ng pagsasanay ng mga medical technologist na magsasagawa ng pagsusuri at mangangasiwa sa nasabing pasilidad.
Sinabi naman ni Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief, na malaking tulong ang nasabing pasilidad upang agad na malaman ang kondisyon ng mga pasyente laban pa rin sa banta ng virus.
Kasabay nito ay hinikayat ni Dr. Baggao ang publiko na sumunod sa mga panuntunan para makaiwas sa COVIC-19 at bilang tulong na rin sa mga frontliners na labanan ang pagkalat ng virus.
Magugunitang kahapon Agosto 3 ay pinasinayaan ng DOH, RITM at ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang pagbubukas ng kaunaunahang COVID-19 laboratory sa buong region 2.