Hindi pa rin makapaniwala ang hepe ng Ballesteros Police Station sa mga papuri na kanyang natatanggap sa adhikain nitong makatulong sa mga kapus-palad na Aeta sa naturang bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMaj. Marlou Del Castillo, hepe ng Ballesteros PNP na nabuo ang project BIKE o “Bisikleta Ihandog sa Kapatid na aEta” nang maka-kwentuhan nito ang katutubong si Marilyn Corpuz, 39-anyos ng Brgy Centro East nang napadaan sa himpilan ng pulisya.
Sa kwento ni Castillo, ramdam nito ang hirap ni Ginang Corpuz, kasama ng kanyang anak sa araw-araw na pagpasan ng kanilang panindang gulay at prutas sa kanilang ulo na kumikita lamang ng halos P100 kada araw.
Naantig din si Castillo sa kwento ng mag-ina na magkatuwang na naghahanap-buhay matapos makulong ang kanilang padre-de-pamilya.
Kaugnay nito, makalipas ang dalawang Linggo ay ipinatawag ng hepe ang mag-ina upang ibigay ang kanyang munting sorpresa na bike na may kolong-kolong.
Bukod dito ay pinuno rin ni Castillo ng mga panindang prutas at gulay ang bike bilang dagdag puhunan para sa mag-ina na labis naman nilang ikinatuwa at ipinagpasalamat.
Dahil sa munting regalong ito mula sa PNP-Ballesteros, sinabi ni Castillo na ramdam nila ang respeto at naging malapit ang loob ng mga residente lalo na ng Aeta community sa mga kapulisan na araw-araw nilang naka-kakwentuhan dahil naglagay din sila ng “coffee corner” sa kanilang himpilan para sa mga bisita.
Dagdag pa niya na makakaasa ang mamayan na lalawakan pa niya ang pagbibigay ng tulong sa ilalim ng Project Bike at iba pang proyekto upang maiabot ang serbisyo ng pamahalaan sa mga kapus-palad at nangangailangan.
Sa katunayan may mga iba pang benepisaryo pa sila na nagpapabili ng mga school uniforms at school supplies na nakatakda nilang ibigay sa susunod na Linggo.
Pagtatapos pa ni Castillo, hindi nakabase sa pinag-aralan, trabaho o katayuan sa buhay ang pagtulong sa kapwa.