
Bigo pang makapag-transmit ng resulta ng eleksyon ang ilang presinto sa dalawang bayan sa Cagayan dahil sa isyu ng internet connectivity at sama ng panahon na dulot ng frontal system.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Michael Camangeg, inaantay pa ang resulta ng botohan sa Sitio Simmabang, Fuga Island, sa bayan ng Aparri at Sitio Baguio Point, Minanga sa bayan ng Peñablanca na nasa coastal area ng probinsiya.
Bagamat hindi na aniya makaka-apekto ang inaantay na bilang ng resulta sa mga kandidatong nakakuha ng pinakamataas na boto sa provincial level, hindi pa maaaring makapagproklama ng mga nanalo dahil hindi pa 100% na nakuha ang resulta ng consolidation and canvassing system.
Gayunman, sinabi ni Camangeg na maaaring maghain ng petisyon sa COMELEC ang mga leading candidate sa provincial level upang maibaba ang proclamation threshold para pormal na silang maiproklamang nanalo sa katatapos na halalan.
Samantala, tiyak na ang pag-upo ni Ret. PNP chief Edgar Aglipay bilang bagong gobernador ng Cagayan at ng kanyang ka-tandem na si incumbent Governor Manuel Mamba para sa pagka-bise gobernador matapos manguna sa partial and unofficial count ng COMELEC