Iginiit ng House prosecution panel na kumpirmahin ni Vice President Sara Duterte ang authenticity at pagmamay-ari ng mga bank account na gagamitin nilang ebidensiya sa impeachment trial.

Sa 104-pahinang request for admission, hiniling ni lead prosecutor Chel Diokno na kumpirmahin ni Duterte kung tunay ang mga bank records na isinumite ng mga bangko at kung ang mga account na nakasaad dito ay pag-aari niya, mag-isa man o kasama ang kanyang asawa, ama, mga kapatid o anak.

Bahagi ito ng Article 2 ng impeachment complaint na nag-aakusa kay Duterte ng pagkakaroon ng unexplained wealth na hindi tugma sa kanyang legal na kita, kabilang ang umano’y hindi kumpletong pagsisiwalat ng kanilang assets, liabilities at net worth sa SALN mula 2022 hanggang 2024.

Samantala, humiling ang defense team ng 15 araw upang tumugon sa request ng prosecution. Pinagbigyan naman ito ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero.