
Iginiit ng House prosecution panel na hindi simpleng pagkakamali o omission ang umano’y hindi pagdeklara nina Vice President Sara Duterte at asawang si Manases Carpio sa ilang assets sa kanilang SALN.
Ayon kay prosecution panel adviser Ace Barbers, may sinadya umanong pagtatangkang itago ang mahalagang impormasyon, na aniya’y maaaring umabot sa culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.
Sinabi ng prosecution na batay sa testimonya ng mahigit 15 saksi mula sa mga bangko at insurance firm, may mga bank deposit at investment insurance na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso na nakapangalan kina Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Samantala, iginiit ng prosecution na hindi sapat ang halagang nakalagay sa “others” section ng SALN para maipaliwanag ang kabuuang assets na lumitaw sa mga rekord ng bangko at insurance firm.
Ayon kay private prosecutor Benjamin Tolosa Jr., paulit-ulit umano itong nangyari sa loob ng ilang taon at malaki ang halagang hindi naipaliwanag.
Nauna namang sinabi ng abogado ni Duterte na ang cash on hand, cash in bank at maging jewelry ng bise presidente ay isinama o “lumped” sa ilalim ng “others” sa kanyang SALN.










