
Iginiit ng House prosecution panel na dapat saklawin ng anumang guidelines ng Senate impeachment court sa pakikipag-ugnayan sa publiko ang lahat ng panig at hindi lamang ang mga reklamo ng defense panel.
Ayon kay House prosecutor Rep. Terry Ridon, dapat isama sa guidelines ang mga naunang insidenteng umano’y kumuwestiyon sa integridad ng impeachment court, kabilang ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte at isang spliced video na inilabas online.
Samantala, sinabi ni House prosecutor Rep. Zia Adiong na dapat ding tukuyin sa ilalabas na guidelines ang mga partikular na social media post o insidenteng itinuturing na paglabag.
Nakatakdang ilabas ni Senate impeachment court presiding officer Senator Francis Chiz Escudero sa Lunes ang kanyang ruling at guidelines kaugnay ng mga social media post ng mga abogado ng magkabilang panig.
Sinabi naman ni Ridon na umaasa ang prosecution na hindi magiging labis ang paghihigpit sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko upang maiwasan ang paglaganap ng misinformation at disinformation.
Nangako ang prosecution panel na susunod sa anumang guidelines na ilalabas ng impeachment court.










