
Target ng House prosecution panel na isumite bago ang Oktubre 23 deadline ang pormal na alok ng ebidensiya laban kay Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang natitirang proseso ng impeachment trial sa Senado.
Ayon kay House prosecutor Joel Chua, inihahanda na ng panel ang mga dokumento at iba pang ebidensiyang nais nilang tanggapin at isaalang-alang ng impeachment court.
May sampung araw naman ang kampo ni Duterte mula sa pagtanggap ng mga ito upang magsumite ng komento at pagtutol.
Sa naunang testimonya ng forensic accounting expert na si Atty. Alexander Cabrera, tinatayang ₱817.87 milyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman na iniugnay kina Duterte at sa kaniyang asawang si Manases “Mans” Carpio mula 2022 hanggang 2025. Maaari pa umano itong umabot sa ₱1.5 bilyon batay sa ibang paraan ng pagkukuwenta.
Nakabatay ang pagsusuri sa mga bank record, income tax return, dokumento ng insurance, corporate filing at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Noong Oktubre 13, tinanggap ng Senate impeachment court ang pagbawi ng prosecution sa tatlong artikulo ng impeachment complaint na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, bribery at grave threats. Dahil dito, ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman na lamang ang natitirang usapin sa paglilitis.
Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 9, kung kailan inaasahang ilalahad ng depensa ni Duterte ang kanilang mga ebidensiya, depende sa magiging pasya ng impeachment court sa pormal na alok ng prosecution.










