
Pinabulaanan ng House prosecution panel ang pahayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na ang pagdetine kay Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez ang naging dahilan ng umano’y pagbabanta nito laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kina private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr. at San Juan Representative Bel Zamora, ipinakita ng testimonya nina National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc na ang mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024 ay bunga ng serye ng mga nauna nitong naging pahayag laban sa Pangulo at hindi dahil sa pagdetine kay Lopez. Dahil dito, sinabi nilang hindi na kinakailangang iharap bilang mga testigo sina Lopez at House Legislative Security Bureau Executive Director Captain Napoleon “Napo” Bello para sa Article IV ng impeachment complaint.
Iginiit din ni Zamora na mismong kampo ng depensa ang umamin sa pagiging tunay ng video at sa mga pahayag ng Bise Presidente nang ipaliwanag nitong ginawa ang mga ito bilang tugon sa umano’y mga banta laban sa kanya. Ang Article IV ng impeachment complaint ay tumutukoy sa umano’y grave threats, inciting to sedition, culpable violation of the Constitution, high crimes, at betrayal of public trust.










