
Maaaring hindi na ituloy ng House prosecution panel ang lahat ng apat na articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kung mapapatunayang sapat at matibay na ang mga ebidensyang maihaharap sa impeachment court.
Ayon kay Manila Representative Joel Chua, isa sa mga House prosecutor, maaaring mapabilis ang paglilitis kung mas maraming testigo ang maipiprisinta kada araw. Aniya, kung sapat na ang ebidensya matapos mailahad ang dalawa sa apat na articles of impeachment, maaari na nilang isantabi ang natitirang mga artikulo.
Nauna nang humiling ang House prosecution panel ng 63 trial dates, habang 30 araw naman ang hinihiling ng kampo ng depensa.
Samantala, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na tinatayang nasa 10,000 piraso ng ebidensya ang ihaharap sa impeachment trial.
Iginiit naman ni Chua na handa ang prosekusyon na iharap ang lahat ng kinakailangang ebidensya at hiniling sa Senado, bilang impeachment court, na mabigyan sila ng sapat na pagkakataon upang maipresenta ang kanilang kaso.










