Inihayag ni Theresa Soriano, Regional Director ng CPD Region 2 na isa ang “Protect Teen Program” sa mga pangunahing interbensyon na isinagawa ng pamahalaan upang tugunan ang lumalalang isyu ng teenage pregnancy sa bansa.
Aniya, layunin ng nasabing programa na protektahan ang mga kabataan mula sa maagang pagbubuntis at mabigyan sila ng mga tamang hakbang upang maiwasan ang mga panganib na dulot nito.
Ayon kay Soriano, ang mga pangunahing benepisyaryo ng nasabing programa ay ang mga batang ina at ama, pati na rin ang kanilang mga pamilya.
Ang mga kabataang ito ay binibigyan ng kinakailangang edukasyon at suporta upang maiwasan ang maagang pag-aasawa at pagbubuntis.
Tinutulungan din ang kanilang mga pamilya na magbigay ng tamang gabay at suporta upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga anak.
Isa pa sa mga mahahalagang isyu na nakasaad sa mga datos na nakalap ay ang koneksyon ng teenage pregnancy sa mga kabataang nakakaranas ng pisikal na pang-aabuso sa kanilang mga tahanan.
Maraming kabataan ang nagiging biktima aniya ng karahasan sa loob ng kanilang sariling bahay, at ang iba pa nga ay nakakaranas ng panggagahasa.
Ang mga batang babae na nagiging biktima aniya ng pang-aabuso ay may mas mataas na posibilidad na maging biktima ng teenage pregnancy, kaya’t ang proteksyon laban sa karahasan ay mahalaga rin sa paglutas sa problemang ito.
Bukod sa “Protect Teen Program,” ang pamahalaan ay patuloy na nagsasagawa ng iba pang mga hakbang tulad ng pagpapalaganap ng mga reproductive health programs at pagbibigay ng mga counseling services sa mga kabataan upang matulungan silang gumawa ng mga responsableng desisyon tungkol sa kanilang kalusugan at kinabukasan.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi umano ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan upang mapabuti ang kalagayan ng mga kabataan, bigyan sila ng proteksyon, at magbigay ng mga oportunidad na makapag-aral at makapagtrabaho, nang hindi kailangang magdalang-tao nang maaga.