TUGUEGARAO CITY- Inaprubahan ng provincial baord ng Cagayan ang resolusyon na naglalayong hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipag-utos ang suspension ng operasyon ng sinasabing dredging sa Aparri, Cagayan.
Sinabi ni Board Member Mila Lauigan na ito ay matapos na ilahad ng isang technical engineer ng Department of Public Works and Highways o DPWH central office na hindi dredging sa halip ay black sand mining ang ginagawa sa bukana ng ilog sa Aparri.
Ayon sa nasabing engineer, umaabot umano sa $50M dollars kada linggo ang kinikita ng Pacific Offshore Exploration Incorporated sa pagmimina ng black sand sa lugar.
Sinabi ni Lauigan na ang pagsuspindi sa operasyon ng nasabing kumpanya ay habang isasagawa ang imbestigasyon kung nakatugon ang kumpanya sa mga kailangang requirement sa dredging.
Sa katunayan, sinabi ni Lauigan na mayroon siyang natanggap na mensahe sa kanyang messenger mula sa isang opisyal ng DPWH na may inilabas na cease and decist order sa nasabing umano’y dredging subalit nagpatuloy pa rin ito sa operasyon.
Kasabay nito, sinabi ni Lauigan na ang nangyayari umano sa Aparri ay kinukuha lamang ng kumpanya ang black sand at ibinabalik ang mga hindi nila napapakinabangan sa ilog.
Idinagdag pa ni Lauigan na marami ang dapat na malaman sa tunay na ginagawa ng nasabing kumpanya sa Aparri.
Ang sinasabing dredging sa Aparri ay sa ilalim ng memorandum of agreement sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Pacific Offshore Exploration Inc.