Handa nang ipatupad ng Provincial Local Government Unit ng Nueva Viscaya ang programa na “Driver’s License Mo, Sagut ni Gayyem ti Umili” upang gawing mas abot-kaya ang pagkuha ng lisensya ng mga kabataan sa nasabing lalawigan

Ayon kay Governor Jose Gambito, layon ng programa na tulungan ang mga informal sectors sa pagbayad sa mataas na gastusin sa pagkuha ng driver’s license mula sa Land Transportation Office.

Nabanggit din niya na maglalaan ang PLGU ng P3.1 milyon bilang pondo para matulungan ang mga 1,000 driver kada taon mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.

Layon ng “Driver’s License Mo, Sagut ni Gayyem ti Umili” na suportahan ang mga indibidwal na mayroon nang student permit o first-time license at nangangailangan ng dagdag na tulong para makakuha ng non-professional driver’s license, na makakatulong sa kanila sa dagdag na pagkakakitaan.

Sasaklawin ng programa ang lahat ng gastusin kaugnay ng praktikal na driving course, kasama na ang mga bayarin para sa non-professional o professional license at ang mga kinakailangang bayarin para sa medical certificate.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Governor Gambito na nais nilang magpatupad ng mga makabagong solusyon na direktang magpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga Novo Vizcayano.

Binanggit din niya na sa pamamagitan ng pagbibigay ng programa sa kabataan, mapapalakas din ang kanilang mga kakayahan sa pagmamaneho at kamalayan sa kaligtasan sa kalsada, na magbubunga naman sa pagbaba ng bilang ng aksidente sa kalsada.