Nagsagawa ng pagsasanay kaugnay sa Cagayan Tibay Resiliency o mental health resiliency program na pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Sinabi ni Bonifacio Cuarteros, Assistant Provincial Social Welfare and Development Officer na mahigit 100 ang lumahok sa nasabing pagsasanay na kinabibilangan ng welfare officers, child development workers, health workers, mga kawani ng ahensiya ng gobyerno, non-government organizations, academe partikular ang mga guidance counselor, mga miyembro ng kapulisan, volunteers sa buong lalawigan at mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng zoom platform.

Ang Emotional Reset Center (ERC) USA-LLC ay isang U.S based Company sa pangunguna ni Dr. Bryce Fabro ang siya namang katuwang ng PSWDO sa naturang programa na nagbahagi ng kabuuan ng programa na pormal na magsisimula sa susunod na linggo.

Sinabi ni Cuarteros, layon ng programa na magkaroon ng mental health responders o coaches sa probinsiya dahil sa naitalang mga kaso ng suicide o pagpapakamatay sa magkakaibang mga kadahilanan.

Layon din nito na matutunan ng mga kalahok ang pagkakaroon ng matatag na pag-iisip na maaari nilang maibahagi sa iba.

-- ADVERTISEMENT --