Nag-anunsyo na ang lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City ng pansamantalang pagsasara ng mga pampubliko at pribadong sementeryo na magsisimula sa Oktubre-31 hanggang Nobyembre-2 ng kasalukuyang taon.
Ito ay batay sa inaprubahang ordinansa ng 8th City Council sa pagsasara ng mga sementeryo ngayong Undas upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Jonanette Siriban, tagapagsalita ng Tuguegarao City na nakahanda na rin ang pulisya at Task Force Disiplina sa mas inaasahang pagdagsa ng mga taong bibisita sa mga sementeryo bago ang pagsasara nito sa darating na Undas.
Inaatasan din sa nasabing ordinansa ang mga tagapamahala ng sementeryo na tiyaking masusunod ang minimum public health standards at physical distancing.
Dagdag pa ni Siriban na hindi rin papayagan ang mass gatherings sa loob ng sementeryo at limitado lang ang papayagang makapasok maliban na lamang kung ito ay pagdaraos ng libing.
Ang sinumang lalabag sa ordinansa ay papatawan ng mga multa na mula P1,000 hanggang P3,000.
Kasabay ng pagpayag sa pagbisita sa sementeryo ilang Linggo bago ang Undas ay sinuspinde na rin ang implementasyon ng COVID-Shield Control Pass matapos isailalim sa general community quarantine na may karagdagang restrictions ang lungsod.
Nauna na rin ibinabala ng City Health Office na huwag magpaka-kampante kahit bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa Lungsod.